
DBM 2011 Budget Site:
http://www.dbm.gov.ph/index.php?pid=9&xid=30&id=1306
Narito ang pahayag sa pormang praymer ng UP Kilos Na: Labanan ang budget cut.
Ang pagbubuo nito ay isa sa mga naging resolusyon ng Sept.2 and 3 System-wide, Multi-Sectoral Conference na ginanap sa SOLAIR. Kanina, Set. 16, nagkaroon ng round table discussion sa UP Diliman na inorganisa ng tatlong Sectoral Regents. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng mga organisasyon ng faculty, kawani at estudyante at ilang mga college faculty administrators sa UP Diliman. Napagkaisahan na buuin ang Diliman chapter ng UP Kilos Na: Labanan ang budget cut para maglobby sa HOR at Senate para mapigilan ang P1.39 B cut sa proposed 2011 budget para sa UP.
Napagkaisahan din ang mga sumusunod na mga aktibidad:
1. September 22: maging bahagi ng system-wide campus actions to oppose the budget cut. Sa UP Diliman, magkaroon ng talakayan sa AS lobby ng 11:30 to 1 pm at magkaroon ulit ng talakayan sa AS steps umpisa ng 4 pm.
2. September 24: BOR meeting at Public Forum ng 11 nominees para sa UP President.
3. September 27: HOR Committee on Appropriations hearing on SUC budget.
Paghahandaan din ang pagdalo sa plenary session ng Lower House kung saan tatalakayin ang SUC budget. Wala pang petsa ito.
Hinhiling sa mga kasamahan sa mga ibang UP units na magkakaroon din ng mga pagkilos para tutulan ang budget cut at maigiit ang mas mataas na budget para sa ating unibersidad. Bukod sa mga lokal na talakayan at mga aksyon, hinihiling na lapitan. magkaroon ng dialogue sa inyong mga Kongresista para ihapag ang ating panawagan.
Pakibahagi ng inyong mga plano at mga pakilos. Salamat.
Judy
Labanan ang P1.39 budget cut sa UP!
Igiit ang mas mataas na budget para sa UP at sa iba pang SUCs
Pahayag sa Anyong Praymer ng
UP Kilos Na: Labanan ang Budget Cut!
Setyembre 16, 2010
Sa panukalang P1.645 trilyong budget para sa 2011 ni Pangulong Noynoy Aquino, anu-ano ang dinagdagan at anu-ano ang binawasan?
Halos pitong porsiyento ang itinaas ng P1.645 trilyon na panukalang budget para sa 2011, ang kauna-unahan sa termino ni Aquino, kumpara sa P1.54 trilyong budget noong 2010. Tinawag ito ni Aquino bilang “reform budget” at aniya’y may pagkiling sa mahihirap.
Pansinin kung anu-ano ang nagkaroon ng pagtaas:
Interes sa Bayad-Utang
+ P80.9 bilyon
AFP
+ P10 bilyon
PNP
+ P 6.6 bilyon
PDAP (pork barrel)
+ P13.9 bilyon
GOCCs
+ P 1.1 bilyon [1]
Incentives for private investments
+ P15 bilyon
Basic Education
+P 32.3 bilyon
Pabahay
+ P273 milyon
Naglaan ng P823.27 bilyon (P357.09 bilyon sa interes at P466.18 bilyon sa prinsipal na hindi isinama sa kabuuang buget proposal ng pamahalaan) sa bayad-utang. Tumaas ng P80.9 bilyon ang alokasyon sa bayad sa interes pa lamang. Samantala, dinagdagan ng P10 bilyon ang budget ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at lumaki rin ang pondo ng Philippine National Police (PNP) ng P6.6 bilyon.
Higit sa doble rin ang naging pagtaas ng budget para sa takaw-korapsyon na “pork barrel,” mula P10.9 bilyon tungong P24.8 bilyon. Naglaan din ang pamahalaan ng mahigit P15 bilyon para akitin ang mga pribadong mamumuhunan na makipagsosyo sa gobyerno upang magtayo at magpatakbo ng mga serbisyo at imprastraktura sa pamamagitan ng “public-private partnerships.” Taliwas ito sa sinabi ni Aquino noong kanyang unang SONA na walang gagastusin ang pamahalaan para sa mga hakbanging ito.
Taliwas sa anunsiyo ni Kalihim Florencio Abad ng Department of Budget and Management (DBM) na mababawasan ng P16 bilyon (mula P39.3 bilyon tungong P23.3 bilyon) ang budget para sa mga government-owned and controlled corporation (GOCC) ay tataasan ito ng P1.1 bilyon batay sa pag-aaral ni Senador Franklin Drilon.
Tumaas naman ng P32.2 bilyon ang alokasyon para sa basic education para tugunan ang dagdag na silid aralan, dagdag na mga item para sa mga guro at pagtaas ng suweldo ng mga empleyado sa sektor ng edukasyon. Ang alokasyon naman para sa pabahay ay nagkaroon ng bahagyang pagtaas na P273 milyon tungo sa kabuuang P5.7 bilyon
Sa gitna ng mga pagtaas na ito, kailangang pansinin ang ilan sa mga nabawasan:
Serbisyong Pang-ekonomiya
-P37.8 bilyon
Kalusugan
-P1.4 bilyon
State Universities and Colleges (SUCs)
-P437 milyon
Nabawasan nang halos sampung porsyento ang alokasyon para sa serbisyong pangekonomiya: mula P398.9 bilyon noong 2010 tungo sa P361.1 bilyon para sa 2011. Tinamaan nang husto ang agrikultura at repormang agraryo, komunikasyon, kalsada, at iba pang imprastrukturang pangtransportasyon, enerhiya, pagpapaunlad ng water resources, at flood control. Nagbabadya ang ganitong pagbabawas ng lalo pang pribatisasyon ng mahahalagang imprastrukturang pampubliko at ang kakambal nitong pagtaas ng presyo.
Ang 2010 alokasyon sa kalusugan na P40 bilyon ay nabawasan pa, ginawang P38.6 bilyon na lamang para sa 2011.
Gaano kalaki ang planong pagbabawas sa budget ng UP para sa 2011?
Sa taong 2011, sa unang panukalang budget na inihapag ng kauupong administrasyong Aquino, bumulaga ang planong muling bawasan ang budget ng ating unibersidad. Mababa ng halos P1.4 bilyon ang 2011 panukalang UP budget kumpara sa naaprubahang budget noong 2010.
Panukala
Aktwal
2010
P5,289,346,000
P6,916,801,000
2011
P5,525,844, 000
(P5,525,844, 000)
Difference
+P236,498 M
-P1.39 B
May pagtaas sa personal services (PS) bunga ng implementasyon ng ikalawang tranche ng Salary Standardization Law 3 (SSL3), ngunit kinaltasan ng P654 milyon ang maintenance and other operating expenses (MOOE). Samantala, walang inilaan o zero ang capital outlay (CO).
PS
MOOE
CO
TOTAL
2010
P4,275,534
P1,358,332
P1,282,935
P6,916,801
2011
P4,871,845
P653,999
0
(P5,525,844)
Diffe-rence
P596, 311
-P704,333
P1,282,935
-P1,390,957
Ano ang naging pahayag ng Administrasyong Roman kaugnay ng nakaambang pagkaltas sa budget ng UP?
Ayon kay Pangulong Emerlinda Roman sa interbyu sa kanya ng Philippine Collegian, ang pagbaba ng MOOE ng mahigit pitong milyong peso ay bunga ng “‘non-recurring items’ in the budget, which are sums given to the university for specific research and construction projects in a certain year.” (“DBM slashes P1.3B from proposed P11B UP budget,” Set. 3, 2010, p. 3). Totoo man ang ganitong paliwanag, lumalabas na mismong si Pang. Roman pa ang nagbibigay ng katuwiran sa pagliit ng budget ng UP. Batid naman ng administrasyong Roman kung gaano naiipit ang iba’t ibang kolehiyo at yunit, pati na ang Philippine General Hospital (PGH), dahil sa kakapusan ng panustos para sa pagmementina ng mga gusali at pasilidad, at dahil sa kakapusan ng pambayad sa taon-taong pagtaas ng gastusin sa tubig at kuryente sa gitna ng pagtitipid ng mga administrador at empleyado.
Sa kaniyang paliwanag sa Philippine Collegian, litaw na litaw ang pagtanggap na lamang ni Pang. Roman sa budget cut at ang kaniyang kawalan ng political will upang ipaglaban ang mas mataas na UP budget:
“The President’s (Aquino) message about reducing subsidy to higher education is not different from the previous administration’s position… This is why UP has been trying to generate resources from other sources and its land grants.” (ibid)
Tila nakaligtaan ni Pang. Roman ang probisyon sa 2008 UP Charter, Section 22 (f):
“That funds generated from such programs, projects or mechanism (patungkol sa kikitain ng unibersidad sa mga land grants at iba pang pag-aari) shall not be meant to replace, in part or in whole, the annual appropriations provided by the national government to the national university.”
Ano ang magiging epekto sa komunidad ng UP ng patuloy na pagliit ng UP budget?
Kapag higit pang binabaan ang UP budget, mas may dahilan ang administrasyon ng UP na magpataw ng dagdag na bayarin at singilin sa mga estudyante, at mapabilis pang lalo ang komersyalisasyon ng mga lupain at mga serbisyo ng UP.
Apektado rin ang mga faculty na walang item, mga kontraktwal na kawani at ang mga doktor sa UP Manila PGH na “without compensation” ang katayuan. Sa isinumite ng administrasyong Roman na P18 bilyong 2011 UP budget sa DBM, mayroong alokasyon para sa mga dagdag na item para sa kaguruan at para sa regularisasyon ng mga emplayadong kaswal. Mayroon ring alokasyon para mabayaran ang mga doktor ng PGH na ngayon ay “without compensation.” Humingi rin ang UP ng dagdag na MOOE.
Nakikita rin na dahil sa patuloy na pagkaltas sa UP budget, lalong igigiit ng administrasyon ng UP ang pagsasara sa University Food Service upang diumano’y makatipid at upang magkaroon ng dagdag na kita sa pamamagitan ng mas marami pang pribadong concessionaire. Higit pang tataasan ang mga singilin sa mga sektor ng manininda at drayber ng mga pampublikong jeep sa UP.
Ano ang maaari nating gawin para labanan ang budget cut sa UP?
Alalahanin ang tagumpay na nakamit natin sa sama-samang pagkilos noong 2009 para ipaglaban ang mas mataas na budget para sa UP. Nag-lobby tayo sa Kongreso at nagkaroon ng maraming kilos-protesta para igiit ang mas mataas na budget para sa UP at sa buong sektor ng edukasyon. Dahil sa sama-samang pagkilos, napigilan ang pagbawas sa MOOE at nadagdagan ito ng halos P400 milyon. At sa halip na zero ang CO ay nakakuha tayo ng P1.28 bilyon para sa iba’t ibang proyektong imprastruktura sa unibersidad.
2010 Panukalang Budget ni Arroyo
2010
Aprubadong Budget
PS
P4,609,223,000
P4,275,534, 000
(di kasama ang retirement benefits)
MOOE
P680,123,000
P1,358,332,000
CO
0
P1,282,935, 000
TOTAL
P5,289,346,000
P6,916,801,000
Sa kasalukuyang budget deliberations sa Kongreso, magkaisa tayo para igiit ang sumusunod na mga kahilingan para sa karagdagang budget ng UP batay sa mahahalagang pangangailangan ng ating unibersidad:
Additional Faculty Item
P238.331 milyon
Regularization of Existing Casual
P57.592 milyon
Lump sum for honoraria/ allowance/ for UP Manila faculty without compensation (WOC)
P26 milyon
Additional MOOE
P693.356 milyon
Ang mga nasa itaas ay kinuha sa P18.53B 2011 UP Budget na isinumite ng UP sa DBM. Bukod sa mga ito, humihingi tayo ng alokasyon na P200 milyon para maipatayo ang bagong gusali ng UPIS sa loob ng academic oval na matagal nang hinihingi ng mga guro, magulang at mag-aaral nito. Humihingi rin tayo ng dagdag na alokasyon para makapagpatayo ng housing sa loob ng kampus para sa mga faculty at empleyado ng UP. Walang naitayong bagong housing sa campus sa termino ng tatlong nakaraang Pangulo ng UP: Javier, Nemezo at Roman, o sa nakaraang halos 18 taon.
Nakasaad sa 2008 UP Charter na bukod sa regular na alokasyon at dagdag sa taunang GAA, may taunang centennial fund na P100 milyon, sa loob ng limang taon, na dapat kasama sa budget ng UP. (Section 28, 2008 UP Charter: “In addition to the regular appropriations and increases for the university under the annual GAA, a centennial fund shall be appropriated in the amount of One Hundred Million Pesos (P100,000,000.00) per year for a period of five years, which shall likewise be included in the annual GAA.”)
Bakit sinasabi na inaabandona ng Administrasyong Aquino ang obligasyon ng gobyerno sa tersaryong edukasyon?
Ayon sa pag-aaral na ginawa ng Kabataan Partylist[2], matindi ang pagbawas sa budget hindi lamang ng UP kundi ng halos lahat ng SUCs:
Para sa taong 2011, ang ilalaan na kabuuang subsidiya ng administrasyong Aquino para sa mga SUC’s ay mahigit-kumulang P23.41 bilyon (kabilang na ang pondo para sa Personnel at Retirement Pension benefits na sa aktwal na General Appropriations Act ay hiwalay sa budget ng SUC’s). Mas mababa ito nang mahigit P437 milyon mula sa budget ng SUC’s ngayong 2010, at mas mababa ito nang halos P2 bilyon mula sa budget ng SUC’s noong 2009
Ang pinakamalalang tatamaan ng mga budget cut para sa 2011 ayon sa indibidwal na proposed budget ng mga SUC’s (hindi pa kasama ang dagdag na halaga mula sa hiwalay na Personnel at Retirement Pension benefits) ay ang mga sumusunod:
SUC’s NA MAY PINAKAMALALANG BUDGET CUT SA 2011 (AYON SA PORSYENTO)
1. Philippine Normal University (-23.59%)
2. Aurora State College of Technology
(-22.21%)
3. Cerilles State College (-21.95%)
4. University of the Philippines (-20.11%)
5. University of Southeastern Philippines
(-20.03%)
SUC’s NA MAY PINAKAMALALANG BUDGET CUT SA 2011 (AYON SA AKTWAL NA SUBSIDIYA)
1. University of the Philippines (-P1.39 bilyon)
2. Philippine Normal University
(-P91.35 milyon)
3. Bicol University (-P88.81 milyon)
4. University of Southeastern Philippines
(-P44.39 milyon)
5. Central Bicol State University of Agriculture (-P31.65 milyon)
Lumaki ang bahagdan ng mga bayarin ng mga estudyante ng SUCs mula halos pitong porsyento (6.6%) noong 2000 tungong 20.2% ngayong 2010 at magiging 22.1% sa 2011. Samakatuwid, ang self-generating income ng SUCs ang inihahalili sa pagkaltas ng budget ng SUCs. Tuloy-tuloy ang pagliit ng subsidyo ng gobyerno sa pampublikong paaralan sa tersaryong lebel, mula 87.74% noong 2000 tungong 66.31% sa panukalang 2011 budget. [3]
Lantarang inamin ni Pangulong Aquino sa kaniyang budget message ang kaniyang pagpapatuloy sa programa ng Administrasyong Arroyo:
“We are gradually reducing the subsidy to SUCs to push them toward becoming self-sufficient and financially independent, given their ability to raise their income and to utilize it for their programs and projects.”
Tulad nang nagyayari sa UP, ang pagliit ng alokasyon para sa SUCs ay nangangahulugan ng pagtaas ng singilin at bayarin sa mga mag-aaral at ng higit pang komersyalisasyon ng mga pampublikong unibersidad. Imperatibong labanan natin ang pagpapatuloy ng bagong administrasyong Aquino sa mga patakaran ng administrasyong Arroyo, at ang pagsunod sa dikta ng World Bank sa pag-abandona ng gobyerno sa obligasyon nito sa edukasyon.
Labanan ang P1.39 bilyong budget cut sa UP!
Labanan ang budget cuts sa SUCs!
Igiit ang mas mataas na budget para sa tersaryong edukasyong pampubliko!
Irechannel and debt-servicing at budget ng militar sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan!
Labanan ang tumitinding komersyalisasyon at pribatisasyon ng UP at ng lahat ng SUCs!
Tutulan ang pag-abandona ng estado sa edukasyon!
--------------------------------------------------------------------------------
[1] “Palace jacks up GOCC subsidy by P1B”, Philippine Daily Inquirer, September 4, 2010, http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/view/20100904-290537/Palace-jacks-up-GOCC-subsidy-by-P1B
[2] Kabataan Partylist. “Ang Proposed 2011 Budget ng Administrasyong Aquino: State Universities and Colleges’ Budget Briefer 2001”, September 6, 2010. http://kabataanpartylist.com/blog/state-universities-colleges-budget-briefer-2011/
[3] Datos mula sa Budget Expenditures and Sources of Financing (BESF) ng Department of Budget and Management (DBM), http://www.dbm.gov.ph/index.php?pid=9&xid=30&id=1306
No comments:
Post a Comment